Posibleng malakas at mapanganib na pagsabog ng Bulkang Mayon, ibinabala
Nagbabala ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology o Phivolcs sa malakas at mapanganib na pagsabog ng Bulkang Mayon.
Ayon kay Phivolcs Director Renato Solidum, posible itong mangyari sa mga susunod na araw matapos na mamula at umakyat na sa ibabaw ng bulkan ang lava.
Ito aniya ang dahilan kaya itinaas na nila sa Alert Level 3 ang alarma sa bulkan kung saan nilawakan na sa 8 kilometro ng bulkan ang danger zone.
Sa kasalukuyan, masusi nilang binabantayan ang dami ng gas na lumalabas galing sa bulkan.
Kaugnay nito, aabot na sa mahigit isanlibong pamilyang naninirahan malapit sa Bulkang mayon ang inilikas at pansamantalang nanunuluyan sa mga evacuation centers sa ilang mga bayan at lunsod sa Albay province.
=== end ===