Posibleng money laundering activities ng Pharmally, uungkatin ng Senado
Uungkatin ng Senado ang posibleng money laundering activities ng kumpanyang Pharmally Pharmaceutical Corporation, ang kumpanyang nakakuha ng kontrata para sa medical supplies ng gobyerno.
Sinabi ni Senador Richard Gordon, chairman ng Senate Blue Ribbon Committee na humingi na sila ng tulong sa Anti-Money Laundering Council para busisiin ang financial records ng kumpanya.
Duda kasi ang mga Senador sa financial capacity ng kumpanya na may mahigit 600,000 pesos lang na kapital.
Sa pagdinig mamayang hapon, sinabi ni Gordon na may ilalabas pa silang mga dokumento hinggil sa yaman ng mga konektado sa Pharmally na iba pa sa milyun-milyong pisong mga luxury vehicle na binili pagkatapos ng ilang buwan na makuha ang mahigit walong bilyong kontrata sa facemask at faceshield sa Procurement Service ng Department of Budget and Management.
Giit ng Senador hindi ito isyu ng bangayan sa pagitan nila ni Pangulong Duterte kundi paano nagagastos ang pondo mula sa buwis ng taumbayan.
Meanne Corvera