Posibleng pagtaas ng singil sa pagpaparehistro ng sasakyan dahil sa pagbuwag sa Road Board, ibinabala
Nagbabala si Senador Ralph Recto laban sa umano’y plano ng gobyerno na itaas ang singil sa pagpaparehistro ng mga sasakyan dahil sa isinusulong na pagpapabuwag sa Road Board.
Sinabi ni Recto na may pahiwatig na ang Malacañang sa Kongreso na itaas mula 50 hanggang 100 percent ang registration fee.
Nangangamba si Recto dahil magdudulot na naman ito ng epekto sa inflation o pagtaas ng presyo ng mga produkto.
Umalma ang Senador dahil ngayong Enero lamang ipinatupad ng gobyerno ang ikalawang tranche ng excise tax .
Dapat aniyang pag-isipang mabuti ng gobyerno ang planong pagtataas ng motor vehicle users charge dahil sapat na ang nakokolektang buwis sa galosina para maipaayos ang mga kalsada.
Samantala, inaasahang mas mapapabilis pa ang pagpapasa ng panukalang batas na magbubuwag sa Road board.
Sinabi ni Senate majority leader Juan Miguel Zubiri na i-adopt na kasi ng Senado ang bersyon ng Kamara kung saan ang pondong makokolekta mula sa mvuc ay mapupunta na sa national treasury habang ang trabaho ay ililipat na sa DPWH at DOTR.
Sa unang linggo ng Pebrero, inaasahang maisusumite ng Kongreso ang panukala para malagdaan ng Pangulo.
Ulat ni Meanne Corvera