PPA, iginiit ang “No Permit, No Service” policy sa lahat ng pantalan sa bansa
Iginiit ng Philippine Ports Authority (PPA), ang kanilang “No Permit, No Service” policy sa lahat ng mga pantalan sa buong bansa.
Ang pahayag ay ginawa ng PPA kasunod ng anila’y pagtutol ng ilang truckers na sumunod.
Ayon sa PPA, ang polisiya ay alinsunod sa PPA Memorandum Circular (MC) 19-2021, na nag-aatas sa truckers na kumuha ng Certificate of Accreditation (CA) at Permit to Operate (PTO) bago sila payagang makipagtransaksiyon sa port terminals.
Sinabi ng PPA, na hindi na bago ang naturang polisiya at matagal na rin anilang naabisuhan ang truckers tungkol dito.
Ipinatupad ng PPA ang unang deadline para makuha ang mga nabanggit na dokumento noong October 15 at na-extend hanggang October 31, sa kondisyon na lahat ng kinakailangang mga dokumento ay dapat nang isumite ng truckers sa December 31, matapos ang pagfill-up sa application form.
Sa pagtatapos ng October 31 deadline, 75% ng truckers na nago-operate sa Port of Manila ang nakakuha na ng CA at PTO requirements.
Ayon kay PPA Gen. Manager Jay Santiago . . . “We are warning colorum truck operators to comply with the need to have the PPA CA and PTO. Apart from being barred to transact at the port terminals, they will be meted with an appropriate sanction.”