‘Pre-shaded ballots’ sa Singapore, Dubai iimbestigahan ng Comelec Task Force
Magsasagawa ng masusing imbestigasyon ang ‘Task Force versus fake news’ ng Commission on Elections (Comelec), kaugnay ng mga ulat tungkol sa ‘pre-shaded’ ballots sa Singapore at Dubai, sa pag-uumpisa ng ‘overseas absentee voting (OAV).’
Sinabi ni Comelec Commissioner George Garcia, na wala silang natanggap na ulat kahit sa kanilang post, at maging mula sa mga opisyal nila sa Singapore kaya’t fake news iyon. May kumakalat din aniya sa Dubai tungkol sa umano’y pre-shaded ballots.
Subali’t mainam aniya na agad nakarating sa kanila ang nasabing impormasyon, upang agad din nilang maaksiyunan. Hindi na aniya iyon bago dahil sa nagkalat din noong 2016 at 2019 elections ang report ng mga iregularidad sa OAV, at sa vote counting machines (VCMs).
Batay sa isang Facebook post nitong Lunes mula sa isang netizen na nagngangalang Cheryl Abundo na nakabase sa Singapore, nakatanggap siya ng balota na may shade na. Nang i-report niya ito ay sinabi sa kaniya na iyon ay isang ‘spoiled ballot’ mula sa mga bumoto noong Linggo. Na-void na umano ang nasabing balota.
Payo naman ni Commissioner Marlon Casquejo, kung may shade na ang ibinigay na balota ay huwag iyong tanggapin at agad na i-report. Dahil kapag umalis ang botante nang hindi nagrereklamo, ay lilitaw na malinis ang balotang ibinigay sa kaniya.
Madali rin aniyang matutukoy at mabeberepika ng kanilang mga tauhan sa abroad ang naturang mga insidente, at maging ng mga accredited watchers at observers na nagbabantay sa mga polling place. Ito ay sa pamamagitan ng “minutes of voting” ng mga watcher na siyang pinakamabisang ebidensya.
Nagsimula ang OAV ng overseas Filipino Woekrs (OFW) nitong Linggo (Abril 10), na tatagal naman hanggang sa Mayo 9.