Preliminary investigation ng DOJ sa isa pang kaso ng illegal possession of firearms laban kay Cong. Teves at 2 anak, sinimulan na
Gumulong na ang preliminary investigation ng DOJ sa isa pang reklamo ng illegal possession of firearms at illegal possession of explosives laban kay Congressman Arnolfo Teves Jr.
Kasama sa mga respondent sa nasabing reklamo na inihain ng Philippine National Police – Criminal Investigation and Detection Group (PNP- CIDG) ang dalawang anak ng kongresista na sina Kurt Matthew at Axel Teves.
Dumalo sa pagdinig ang mga abogado ni Teves at ang mga abogado ng dalawa nitong anak.
Ayon kay Atty. Andres Manuel Jr., legal counsel nina Kurt Matthew at Axel, hindi pa sila naghain ng kontra-salaysay dahil hindi pa kumpleto ang maraming dokumento mula sa complainants.
Kaugnay nito, inatasan aniya ng panel of prosecutors ang complainant na isumite ang iba pang karagdagang dokumento.
Pag-aaralan naman ng kampo ng kongresista ang susunod na hakbang sa oras na matanggap at masuri ang mga nasabing dokumento.
Tumanggi naman ang abogado na sabihin kung nasa Pilipinas ang kaniyang mga kliyente.
Itinakda ng DOJ ng susunod na hearing sa Abril 24 sa ganap na 10:00 ng umaga.
Moira Encina