Preliminary investigation ng DOJ sa kaso ng pagpatay kay Kian delos Santos, umusad na
Umusad na ang preliminary investigation ng DOJ sa kaso ng pagpatay sa labing pitong taong gulang na si Kian delos Santos.
Pinagsama na ng DOJ panel of prosecutors ang magkahiwalay na reklamo na isinampa ng mga magulang ni Kian sa pamamagitan ng PAO at NBI laban sa mga pulis na dawit sa insidente.
Dumalo sa pagdinig ang mga magulang ni Kian na sina Zaldy at Lorenza delos Santos kasama ang mga kinatawan Public Attorney’s Office na tumatayo nilang abogado.
Nakaharap nila ang apat na pulis Caloocan na isinasangkot sa pagpatay sa kanilang anak na sina Chief Inspector Amor Cerillo, PO3 Arnel Oares, PO1 Jerwin Cruz at PO1 Jeremias Pereda.
Sa paunang pagdinig, pinanumpaan ng mga testigo sa kaso kabilang ang dalawang menor de edad ang kanilang mga sinumpaang salaysay sa harap ng DOJ panel.
Bigo pang makapaghain ng kontra salaysay ang mga respondents na pulis.
Binigyan sila ng panel ng hanggang September 25 na susunod na petsa ng pagdinig para sagutin ang mga alegasyon laban sa kanila na isinampa ng PAO at NBI.
Reklamong murder, paglabag sa anti-torture law, violation of domicile at planting of evidence ang kinakaharap ng mga pulis Caloocan.
Ang panel of prosecutors ay binubuo nina Senior Assistant State Prosecutor Tofel Austria, Assistant State Prosecutor Amanda Garcia at Associate Prosecution Attorney Moises Acayan.
Ulat ni: Moira Encina