Preliminary investigation sa kaso ng pagkamatay ni Christine Dacera, itinakda ng Makati City Prosecutors Office sa January 13
Itinakda sa Enero 13 ng Makati City Prosecutors Office sa ganap na alas-10 ng umaga ang preliminary investigation ang mga reklamo laban sa mga suspek sa pagkamatay ng flight attendant na si Christine Dacera.
Ayon kay Justice Secretary Menardo Guevarra,matapos pag-aralan ang mga facts at ebidensya sa isinagawang inquest proceedings ay nagpasya ang piskalya na isailalim pa sa karagdagang imbestigasyon ang kaso.
Kaugnay nito, iniutos ng piskalya na palayain ang tatlong naarestong suspek na sina John Pascual Dela Serna III, Rommel Galido, at John Paul Halili dahil sa isasailalim pa sa preliminary investigation ang reklamo.
Kabilang din sa isasalang sa pagdinig ang parehong reklamo laban sa walong iba pang at large na suspek na sina Gregorio Angelo Rafael De Guzman, Clark Rapinan, Valentine Rosales, Mark Anthony Rosales, Rey Ingles, Louie De Lima, Jammyr Cunanan, at alyas Ed Madrid
Aalamin sa pagdinig kung si Dacera ay ginahasa at pinatay at kung sinu-sino ang mga salarin , at ang aktwal na sanhi ng pagkamatay ng biktima.
Sinabi pa ng kalihim na inatasan din ng investigating prosecutor ang pulisya na magsumite ng karagdagang ebidensya gaya ng DNA analysis report, toxicology/chemical analysis, at histopath examination report.
Moira Encina