Presidente at mga Board of Directors ng Coconut Industry Investment Fund, nagsumite ng mass resignation sa Pangulo
Nagsumite ng mass resignation kay pangulong duterte ang labindalawang
opisyal ng Coconut Industry Investment Fund o CIIF oil mills group.
Ito’y bilang protesta sa pagtatalaga ni Executive Secretary Salvador
Medialdea kay Rehan Lao bilang bagong Chief Executive Officer ng
kumpanya.
Kinabibilangan ito nina Eddie Delima, chairman of the board at
Benedicto Lor, ang kasalukuyang CEO ng kumpamya kasama na ang apat na
vice president, apat na director at dalawang plant manager.
Ayon sa mga opisyal, hindi nila masikmura na ang itatalagang pinuno ng
kumpanya ay may kaso sa Ombudsman.
Inaakusahan din ng mga opisyal ang umanoy pakikialam sa internal
affairs ng korporasyon na mag-asawang Jocel at Malou Luy kung saan
ginagamit pa ang pangalan ni Pangulong Rodrigo Duterte at Secretary to
the president Bong Go.
Ang dalawa ayon sa opisyal ay kapwa tumulong noon sa kampanya ng Pangulo.
Ang CIIF ang direktang bumibili ng mga kopra sa mga magniniyog para sa
benipisyo ng mga coconut farmers at pag-unlad ng Coconut industry.
Bukod sa paggawa ng mantika, ang CIIF rin ang nagsusuplay ng coconut
oil sa world market.
Dahil sa pagbibitiw ng mga opisyal, itinigil ng ucpb ang pagpapautang
sa kumpanya.
Kahit isa itong Government Owned and Controlled Corporation, hindi ito
direktang pinopondohan ng gobyerno dahilan kaya napipilitan itong
mangutang.
Dahil walang pondo pansamantalang matitigil ang operasyon ng dalawa sa
kanilang mga planta na nangangahulugan na ititigil rin ang pagkuha ng
mga kopra mula sa mga magsasaka.
Sa isang pahayag sinabi naman ni Medaldea na tinanggap naman ng Pangulo
ang pagbibitiw ng mga opisyal.
Pero sinabi ni Medaldea na kahit hindi magbitiw ang mga opisyal,
talagang papalitan sila sa posisyon dahil nagpaso na ang kanilang
appointment noong 2017.
Ulat ni Meanne Corvera