Presidential Electoral Tribunal ibinasura ang mosyon ni VP Leni Robredo na resolbahin na ang lahat ng pending incidents sa poll protest ni Marcos
Ibinasura ng Korte Suprema na umuupo bilang Presidental Electoral Tribunal ang mosyon ni Vice-president Leni Robredo na resolbahin na agad nito ang election protest ni dating Senador Bongbong Marcos laban sa kanya.
Sa walong pahinang resolusyon ng PET, sinabi na premature ang mosyon ni Robredo na resolbahin ang lahat ng pending incidents sa protesta ni Marcos.
Tinawag din ng PET na “speculative” at “fundamentally flawed” ang mga figures o sariling kompyutasyin ng boto na inilagay ng kampo ni Robredo sa mosyon nito na nagkukumpirma raw sa pagka- panalo nito.
Ayon sa tribunal, hindi pa nila tapos ang judicial recount, revision at appreciation ng mga boto sa tatlong pilot provinces sa poll protest.
Paliwanag pa ng PET, nasa proseso pa sila ng appreciation ng mga revised ballots
Binigyang- diin pa ng PET na hindi pa kumpleto at hindi pa inilalabas final tally ng mga boto.
Samantala, ikinatuwa naman ng kampo ni Marcos ang desisyon ng PET.
Ayon sa tagapagsalita ni Marcos na si Atty Vic Rodriguez, dapat itigil na ni Robredo ang pagloko sa publiko.
Sinabi ni Rodriguez na ang mga delaying tactics at pagpapakalat ng fake news ng kampo ni Robredo ay nagpapatunay ng pagiging desperada nito.
Tiwala si Rodriguez na na sa huli ay si Marcos ang ipoproklama ng PET na tunay na nanalo sa 2016 Vice-presidential elections.
Ulat ni Moira Encina