Presyo ng bigas sa bansa bababa ng 6 pesos kada kilo kung gagawing 10 percent ang taripa sa imported na bigas ayon sa Kamara
Suportado ng mababang kapulungan ng kongreso ang panukala ng Department of Finance na ibaba sa 10 percent mula sa 35 percent ang sinisingil ng gobyerno na taripa sa imported na bigas sa ilalim ng rice tarrification law.
Sinabi ni congressman Joey Salceda chairman ng house committee on ways and means na bababa ng 6 pesos ang kada kilo ng bigas sa bansa kung gagawing 10 percent na lang ang taripa ng mga inaangkat na bigas.
Ayon sa mambabatas sa pamamagitan ng Executive Order 39 na inilabas ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na nagtatakda ng rice price ceiling at tarrif reduction sa imported rice ay malaki ang mababawas sa presyo ng bigas sa bansa.
Niliwanag ni Salceda na ang 10 billion pesos na kita ng gobyerno mula sa sinisingil na 35 percent na taripa sa imported na bigas ay nakolekta na ng Department of Finance kaya hindi lugi ang pamahalaan.
Inihayag ng kongresista na kailangang sabayan ng Department of Agriculture o DA sa pamamagitan ng National Food Authority o NFA ang pagbili ng mga palay mula sa lokal na magsasaka ngayong harvest season upang masiguro na mayroong sapat na supply ng bigas sa bansa at mabawasan ang pagiging import dependent ng bansa sa bigas.
Vic Somintac