Presyo ng diesel, gasolina, at kerosene tumaas sa ika-10 sunod na linggo
Nagkabisa na ngayong Martes (Marso 8), ang isa na namang oil price hike na siyang pinakamataas ngayong taon.
Ang presyo ng Diesel ay tataas sa 5.85 kada litro, habang ang gasolina ay tataas sa P3.60 bawat litro, habang ang halaga ng kerosene ay tataas naman sa P4.10 kada litro.
Ito na ang ika-10 sunod na linggo na nagtaas ang halaga ng langis, dahil sa lumalalang tensiyon sa pagitan ng Russia at Ukraine.
Nag-anunsiyo ang iba’t-ibang kompanya ng langis na ipatutupad nila ang oil price hike ngayong Martes.
Sa magkakahiwalay na advisories ng Caltex, Cleanfuel, Jetti, Petro Gazz, Seaoil, at Shell, sinabi nila na tataasan nila ang halaga ng gasolina ng P3.60 kada litro at P5.85 naman ang kada litro ng diesel.
Ayon sa Shell, Caltex, at Seaoil tataasan din nila ng P4.10 kada litro ang kanilang kerosene.
Inaasahan namang susunod na rin ang iba pang kompanya ng langis.
Dahil dito, pumila ang mga motorista sa iba’t-ibang gasolinahan para magpakarga ng gasolina o diesel kahapon, Marso 7, isang araw bago ipatupad ang big-time oil price hike.
Una nang inasahan ng Department of Energy (DOE), na ang local oil prices ay maaaring umabot sa P68.70 kada litro para sa diesel, at P78.33 per liter para sa gasolina, kapag umabot na sa US$120 kada bariles ang benchmark ng presyo ng langis sa Dubai.
Dahil sa big-time price increase kaninang umaga, ang kabuuang price adjustments o pagtaas ngayong taon para sa presyo ng langis ay aabot sa P13.25 kada litro para sa gasolina, P17.50 kada litro para sa diesel, at P14.40 kada litro para sa kerosene.
Nitong Lunes, March 7, ang benchmark Brent North Sea crude oil ay tumaas sa halos 14-year high na malapit na sa $140 per barrel.
Ang Brent ay umabot sa $139.13 bago bumaba sa $125.57 per liter. Ang pinakamataas na rekord ay nasa $147.50, na nangyari noong 2008 sa panahon ng pandaigdigang krisis sa pananalapi.
Ang Russia ay isa sa pinakamalaking producer ng krudo sa mundo at isa ring nangungunang supplier ng natural gas.
Nagbabala ang International Monetary Fund noong katapusan ng linggo na ang digmaan at mga ipinataw na sanctions sa Russia, ay magkakaroon ng “malubhang epekto” sa pandaigdigang ekonomiya.
Ayon kay Commerzbank analyst Carsten Fritsch . . . “The price explosion has been sparked by the fact that the West is considering banning Russian oil imports in response to the war in Ukraine.”