Presyo ng gasolina muling tataas bukas dahil sa Saudi Aramco attack pero Department of Energy tiniyak na ito’y pansamantala lamang
Inanunsyo ng Department of Energy na muling tataas ang presyo ng gasolina at iba pang produktong petrolyo bukas.
Sa pagdinig sa Senado, sinabi ni Director Rino Abad ng Oil Industry Management na epekto pa rin ito ng nangyaring Saudi Aramco attack.
Dalawang piso kada litro ang itataas sa kada litro ng gasolina habang mahigit piso naman sa kada litro ng diesel.
Pero paliwanag ng DOE, ang price increase na ipatutupad bukas ay mas mababa pa nga sa presyo sa international market.
Pero kuwestyon ni Senate Committee on Energy Chairman Senador Sherwin Gatchalian, bakit agad nagtaas ng presyo gayung mayroon namang stock ng supply ang mga oil company?
Giit ng Senador dapat ay maramdaman ang epekto ng drone attack incident matapos ang 15 araw o isang buwan.
Pero pinaliwanag ni Abad, na naramdaman na kasi ang epekto ng drone attack noong September 16-20 kaya may pagtaas na.
Wala rin aniya sa inventory ang basehan ng presyo kundi sa mismong international market price.
Sa kabila nito ,sinabi ng DOE na kung magtutuloy tuloy na ang pagiging stable ng supply ng langis mula Saudi at walang nang sumulpot na iba pang problema, posible na may rollback sa mga susunod na linggo.
Ulat ni Meanne Corvera