Presyo ng ilang de lata at sabon, tumaas na
Tumaas ang presyo ng mga de lata at sabon.
Ito’y matapos na aprubahan ng Department of Trade and Industry o DTI ang hiling na dagdag presyo ng mga manufacturer.
Sinabi ni DTI Undersecretary Ruth Castelo na pinag-aralan nilang mabuti ang hiling na dagdag presyo sa de lata , bago ito inaprubahan.
Ang pagtaas ng halaga ng mga raw materials ang dahilan kaya nagdagdag ang mga manufacturer ng de- lata ng presyo sa kanilang produkto.
Mas mababa naman aniya sa 10% ang inihirit na dagdag presyo.
Kaugnay nito, ang presyo ng sardinas ay tumaas mula 20 hanggang 40 sentimos.
Nasa 50 sentimos naman ang itinaas ng isang brand ng meatloaf habang tumaas mula 50 sentimo hanggang 2 piso ang presyo ng corned beef.
Samantala, tumaas din ng bahagya ang presyo ng sabon dahil sa pagtaas naman ng halaga ng papel na ginagamit sa packaging.
Nasa 50 sentimos ang itinaas ng presyo ng ilang brand ng bath soap, habang piso naman ang itinaas sa presyo ng bawat bareta ng sabong panlaba.
============