Presyo ng mga pangunahing bilihin tumaas ngayong buwan – DTI
Kinumpirma ng Department of Trade and Industry (DTI) na tumaas ang presyo ng mga pangunahing bilihin sa bansa.
Batay ito sa inilabas na listahan ng bagong SRP o suggested retail price ng DTI para sa basic at prime commodities.
Sa listahan ng DTI nagtaas ng 50 sentimos hanggang piso ang apat na brand ng sardinas, instant noodles, bottled water, toyo, suka, patis at gatas.
Pero depensa ni Trade secretary Ramon Lopez, noong nakaraang taon pa hiniling ng mga manufacturers ang pagtaas ng presyo dahil sa pagtaas rin ng presyo ng mga raw materials.
Iginiit naman ni Lopez na hindi dapat magpanic ang publiko dahil minimal lamang ang naturang pagtaas at halos wala itong magiging epekto sa consumers.
Gumagawa na rin aniya sila ng paraan para bawasan o kaya’y ibaba ng tuluyan ang iba pang gastusin ng mga manufacturers para bumaba rin ang presyo ng mga produkto.
Kabilang na rito ang pagpapaikli ng proseso at pagbabawas ng gastusin ng may dalawa hanggang tatlong libong mga importers at exporters at mga foreign investors.
Inirekomenda na rin aniya nila na palawigin ng hanggang tatlong taon ang effectivity ng mga application requirements sa mga foreign investors mula sa kasalukuyang isang taon.
Ito’y para mapabilis ang pagdadala ng mga produkto mula sa mga pantalan hanggang pamilihan.
Ulat ni Meanne Corvera