Presyuhan ng manok sa pampublikong pamilihan apektado ng bird flu outbreak
Aminado ang Samahan ng Industriya ng Agrikultura o (SINAG) na malaki ang epekto ng pagkakaroon ng kaso ng bird flu sa Pilipinas sa presyo ng manok sa pampublikong pamilihan.
Ayon kay Engr. Rosendo So, pinuno ng SINAG , labis na bumaba ang presyo ng live weight na manok sa merkado lalo na aniya sa Bulacan at marami na rin ang nalulugi.
Dagdag pa nito na idinadaing ng mga chicken raisers sa Bulacan na kinukuha nalamang umano sa kanila ang manok ng 30 pesos kada kilo.
Sa kanilang latest na monitoring ay tinatawaran na ng kinse pesos hanggang bente pesos ang bawat isang broiler.
Samantala, inihayag naman ni Engr. So na ang labis na apektado ngayon ng pagkakaroon ng bird flu sa Pilipinas ay ang mga independent raiser, dahil sa kawalan ng cold storage na pag-iimbakan ng kanilang mga nakatay na manok.