Price monitoring, isinagawa sa Meycauayan City public market
Nagsagawa ng price monitoring sa mga pangunahing bilihin partikular sa karne ng baboy ang collection & monitoring officer sa pamilihang lungsod ng Meycauayan, Bulacan.
Personal na kinausap ni Julie Moraga ng City Economic Enterprise Management Office (CEERMO) ang mga nagtitinda sa palengke.
Layunin ng nasabing aktibidad na makakalap ng datos na kanila namang ipapasa sa Department of Trade and Industry (DTI) para sa masusing pag-aaral sa presyo ng mga pangunahing bilihin.
Ang nasabing price monitoring ay pinangunahan ng department head ng CEERMO na si Juliet Dela Cruz at ng department supervisor na si Rogel Reyes.
May ilang tindahan ng karne na sarado, sanhi ng mataas na puhunan sa mga inaangkat na produktong karne. Bunsod nito, karamihan sa mga mangangalakal ay halos Sabado at Linggo na lamang nagtitinda sa kanilang pwesto sa palengke.
Samantala, binisita rin ni Mayor Linabelle Ruth Villarica ang pamiluhang panglungsod, upang personal na alamin ang sitwasyon ng mga mangangalakal.
Layunin nito na magawan ng partikular na aksyon ang lagay ng mga nagtitinda sa nasabing palengke na lubhang namomroblema kung paano kikita sa taas ng puhunan bukod pa sa bayarin sa upa sa kanilang pwesto.
Hindi rin naman sila makapagpatong ng masyadong mataas para lang makabawi dahil inaalala rin ang kapakanan ng mga mamimili.
Ulat ni Gerald Dela Merced