Primelectric Holdings Inc. at Central Negros Electric Cooperative, Inc. magtutulungan upang mapagbuti ang electric power supply sa lalawigan ng Negros
Sinimulan ng talakayin ng National Electrification Administration ang Joint Venture Agreement o JVA sa pagitan ng Primelectric Holdings Inc at Central Negros Electric Cooperative, Inc..
Ito ay sa layuning mapagbuti ang electric power supply sa lalawigan ng Negros.
Ayon kay NEA Administrator Antonio Almeda, dahil natapos na ang plebisito na pumabor sa JVA ay ang pagpapatupad nito ang siya nang gagawin ng NEA.
Walong buwan ang target bago ito masimulan.
Noong Setyembre 12 ay inanunsyo ng NEA na 98,591 member consumers ang pumabor para sa JVA kontra sa 6,899 na hindi pabor.
Ang Primelectric ay sister company ng More Electric and Power Corporation na power distribution utility sa Iloilo City.
Sa oras na makumpleto ang JVA, ang Ceneco-Primelectric merger company ay tatawagin nang Negros Electric Power Corp.
Sa naging pulong sa NEA ay iniharap ni Primelectric President Roel Castro ang kumpletong detalye ukol sa JVA gayundin kung paano ito ipatutupad at ang target na modernisasyon sa mga pasilidad.
Sa panig ng CENECO, sinabi ni acting general manager Atty. Arnel Lapore na umaasa siyang agad mapasisimulan ng NEA ang JVA.
Target ng Primelectric na maglaan ng P2.1 billion investment na nakatuon sa modernisasyon ng power distribution system.
Sinabi ni Castro na sa oras na maayos ang distribution system ay kasunod na din masosolusyunan ang mataas na singil sa systems losses na siang pinapasan ng mga consumers.
Nangako si Castro na pagsapit ng 2028 ay makakamit nila ang 100 % target na total electricifation sa Negros.
Madelyn Moratillo