Prince Charles ng Britanya, nagpabakuna na laban sa COVID-19
LONDON, United Kingdom (AFP) — Nabakunahan na ng unang dose ng COVID-19 vaccine ang panganay na anak at tagapagmana ni Queen Elizabeth II, na si Prince Charles, na nahawaan ng virus noong isang taon.
Ang 72-anyos na Prinsipe ng Wales at 73-anyos na asawa nitong si Camilla, ay kapwa nabakunahan na, habang hinikayat naman ng mga awtoridad pangkalusugan ang mga lampas na sa edad 70 na magpabakuna na rin.
Ang Britain, na kauna-unahang Western nation na naglunsad ng COVID-19 vaccines sa kanilang mga mamamayan, ay umaasa sa pinakamalaki nilang vaccination programme bilang daan para maiwasan ang pagkalat ng sakit na ikinasawi na ng higit 113,000 katao.
Nasa 12.5 milyong Britons na ang nabakunahan ng Pfizer/BioNTech o kaya ay Oxford/AstraZeneca.
Target ng gobyerno ni Prime Minister Boris Johnson, na mabakunahan ang itinuturing na vulnerable at high-risk groups pagdating ng February 15.
Ang mga lampas na sa edad na 70 ang huling pangkat sa grupo ng 15 milyong katao, na babakunahan sa ilalim ng plano.
Ang 94-anyos na si Queen Elizabeth II at ang 99-anyos na asawa nitong si Prince Philip, ay una nang nabakunahan nitong nakalipas na Enero.
Ang hindi pangkaraniwang hakbang na isa-publiko ang pagbabakuna (bihira kasing magkomento ang royal officials tungkol sa private health matters na kinasasangkutan ng head of state), ay ginawa nang bigyan ng bakuna ang mga nasa lampas 80 na ang edad.
© Agence France-Presse