Prince Charles pinasalamatan ang mga Pinoy healthcare workers sa UK
Nagpaabot ng taus-pusong pasasalamat si Prince Charles sa lahat ng mga Pinoy nurses at iba pang healthworkers sa United Kingdom para sa kanilang serbisyo at pag-aaruga sa kanilang mga pasyente doon ngayong COVID-19 crisis.
Ang mensahe ng Prince of Wales ay kaalinsabay ng ika- 95 kaarawan ni Queen Elizabeth II.
Ayon kay Prince Charles, higit na mapalad ang UK dahil sa libu-libong Pilipinong healthcare personnel doon partikular sa National Health Service.
Tinawag niya na “selfless” ang mga Pinoy healthworkers.
Aniya malaki ang kontribusyon ng mga ito sa kalusugan at wellbeing ng maraming tao sa UK sa mahirap na panahon na ito ng pandemya.
Binati rin ni Prince Charles ang lahat ng mga Pilipino sa pagsapit ng ika-75 taon ng diplomatic relations ng UK at Pilipinas ngayong 2021.
Sinabi ng Prince of Wales na mas lalong tumibay ang pagkakaibigan ng Pilipinas at UK ngayong COVID pandemic.
Ang mga hamon aniya na hinarap ng dalawang bansa bunsod ng health crisis ay mas lalong nag-ugnay sa UK at Pilipinas para lalong magtulungan sa pagkamit ng mas mabuting hinaharap para sa lahat ng mamamayan.
Moira Encina