Priority Housing program ng DHSUD, pinuri ng mga Kongresista
Pinuri ng ilang miyembro ng House of Representatives ang Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD), dahil sa kanilang innovative solution para sa mga proyektong pabahay ng bansa.
Sa pagdinig ng House Appropriations Committee, sa pangunguna ni Rep. Elizaldy Co, hinangaan ng mga mambabatas si DHSUD Secretary Jose Rizalino Acuzar para sa kanyang out-of-the-box approach sa pagharap sa mga hamon sa sektor ng pabahay.
Kasabay nito, nagpahayag ng suporta ang mga mambabatas sa pagsisikap ng DHSUD na magtayo ng isang milyong housing units kada taon sa susunod na anim na taon, batay na rin sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr.
Sa pagtaya ng DHSUD, aabot sa higit 6.5 milyong mga yunit ang backlog ng pabahay ng bansa sa pagtatapos ng taon.
Sa pagdinig ng badyet, ipinakita ni Kalihim Acuzar, kasama ang mga pangunahing opisyal ng DHSUD sa mga mambabatas ang priority housing program na inaprubahan ni Pangulong Bongbong Marcos.
Sa pagdinig ay hiniling ni Secretary Acuzar sa Kamara, na pagkalooban ang kanilang ahensya ng budget para pondohan ang interest subsidy na gagamitin sa unang isang milyong unit.