Pro-Marcos mas dumami sa Q2 kumpara sa Pro-Duterte
Tumaas ang bilang ng mga Pilipinong nagsasabing sila ay pro-Marcos sa ikalawang kwarter ng taon, habang bumaba naman ang mga nagsasabing sila ay pro-Duterte batay sa pinakabagong survey ng OCTA Research.
Ayon sa Tugon Ng Masa (TNM) survey ng OCTA na inilathala nitong Martes, lumitaw na ang pro-Marcos ay tumaas ng 36% noong Hunyo mula sa 31% noong Marso, habang ang pro-Duterte naman ay bumaba sa 16% noong Hunyo mula sa 20% noong Marso.
Samantala, ayon sa OCTA, 31% ng mga Pilipinong nasa hustong gulang ang ikinukonsidera ang kanilang mga sarili na independent o mga indibidwal na hindi pro-Marcos o pro-Duterte o oposisyon.
Ang bilang ng mga nagsasabing supporters sila ni President Ferdinand Marcos, Jr., at ng kaniyang administrasyon, ay pinakamataas sa National Capital Region (NCR) na may 43% at pinakamababa naman sa Mindanao na may 25%.
Samantala, ang supporters naman ni Duterte ay mas mataas ang bilang sa Mindanao na may 50% at pinakamababa sa Balance Luzon na may 5%.
Ayon sa OCTA, bahagyang mas mataas din ang bilang ng Marcos supporters sa rural areas na may 37% kumpara sa urban areas na may 35%, habang ang pro-Duterte supporters naman ay marginally higher sa rural areas na may 19% kaysa urban areas na may 15%.
Sa socioeconomic classes, ang mga nagsasabing pro-Marcos sila na mula sa Classes ABC at D, ay may 40% at 37%, ang pro-Marcos naman na nasa Class E ay 25%.
Sa kabiklang banda, lumitaw sa OCTA survey na ang 33% ng Class E ay sumusuporta sa Duterte family at kanilang mga ka-alyado, sinusundan ng 16% mula sa Class D at 4% ng Class ABC.
Kung age groups ang pag-uusapan, pinakamataas ang suportang nakuha ni Marcos mula sa mga Pilipino na edad 75-anyos pataas na 69%, at pinakamababa naman mula sa edad 25-34 anyos na 29%.
Mas mataas naman ang suporta para sa Duterte family ng mga nasa edad 65-74 anyos na 21%, at pinakamababa mula sa edad 75 anyos pataas na 6%.
Ang data mula sa survey ay kinuha sa pamamagitan ng face-to-face interviews sa mahigit 1,200 respondents sa buong bansa mula June 26 to July 1.