Probisyon sa SocMed, hindi na isasama sa ipapasang mandatory SIM Card Registration
Hindi na isasama ng Senado sa aaprubahang panukala sa Mandatory Sim card registration ang probisyon na iparehistro rin ang social media account.
Ito ang tiniyak ni Senador Grace Poe, Chairman ng Senate Committee on Public Services ngayong tinatalakay na sa Senado ang panukala.
Naipasa na noong 18th Congress ang panukala pero ibinasura ni dating Pangulong Rodrigo Duterte dahil sa probisyon na tungkol sa social media.
Ayon kay Poe, kung gagawa sila ng batas para sa responsableng paggamit ng social media, maaaring talakayin na ito sa ibang komite.
Pero ang sim card registration, mamadaliin ng Senado dahil marami na ang nabibiktima ng mga sindikato o kriminal gamit ang prepaid sim card.
Kahit paulit-ulit aniyang i-block ng Telecommunications companies ang mga sim card bibili lang ng bago ang mga kriminal para muling makapang-biktima.
Iginiit ng Senador na matindi na ang pangangailangan na ipasa ang panukala para protektahan ang privacy ng mga Pilipino.
Mayorya rin aniya ng mga bansa sa buong mundo ang nag-o-obliga ng sim card registration para labanan ang mga scammer at sindikato .
Nauna nang inamin ng Department of Communications sa pagdinig ng Senado na ang mga sindikatong nambibiktima ay state funded.
Sa panukala na isinusulong sa Senado, kailangan muna ang court order bago ilabas ang records ng mobile phone user.
Pabor ang Telco companies sa panukala pero kung ire-rehistro ang simcard dapat gawin online ng mga telcos at hindi sa mga tindahan ng simcard.
Wala aniya kasing kapasidad ang mga maliliit na tindahan para alamin kung lehitimo ang mga ID na ipiprisinta ng sinumang mobile user at walang katiyakan na mapoprotektahan ang privacy ng kanilang mga customer.
Meanne Corvera