Problema sa Motorcycle Crime prevention law, pwedeng remedyuhan sa IRR o pag-amyenda sa batas – Malakanyang
Hindi pa pinal ang pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na ipasuspendi ang pagpapatupad ng Motorcycle Crime Prevention Law na nag-oobliga sa mga motorcycle owners na maglagay ng plate number sa harapan ng motor.
Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo na malinaw ang pahayag ng Pangulo sa convention ng National Federation of the Motorcycle Clubs of the Philippines sa Iloilo City na kakausapin niya ang Land Transportation Office o LTO at si Senador Richard Gordon author ng batas.
Ayon kay Panelo bubuoin pa ang Implementing Rules and Regulations o IRR bago ipatupad ang Motorcycle Crime Prevention Act.
Inihayag ni Panelo na kung sa IRR ay mareresolba na ang panganib na idudulot ng paglalagay ng plaka sa harap ng motor at palitan na lamang ito ng sticker o decal ay solved na ang problema.
Inihayag ni Panelo ang pangunahing reklamo ng mga motorcycle riders ay ang panganib ng paglalagay ng plaka sa harap ng motor dahil baka mabaklas ito habang tumatakbo at tamaan ang riders.
Tungkol naman sa malaking multa ng lalabag sa Motorcycle Crime Prevention Law mangangailangan ito ng congressional action dahil aamyendahan ang penalty provision ng batas.
Ulat ni Vic Somintac