Problema sa populasyon tututukan ng Duterte sa susunod na tatlong taon – ayon sa Malakanyang
Nangangailangang tugunan ang problema tungkol sa paglobo ng populasyon upang maresolba ang suliranin sa kahirapan.
Ito ang sinabi ni Presidential Communications Operations Office Secretary Martin Andanar sa harap ng target ng pamahalaan na mas mapababa ang antas ng kahirapan sa 2nd half ng Duterte Administration.
Ayon kay Andanar, mahirap makasabay o masustine ang ekonomiya kung palaki ng palaki naman ang populasyon.
Binigyang diin ng Kalihim na walang dapat may maiwan at dapat na maging sabay-sabay ang economic at agricultural growth sakali mang tumataas din ang bilang ng populasyon habang mahalaga din aniyang matiyak na may nakalatag na environment management.
Kabilang ang poverty programs sa prayoridad ng Duterte Administration para sa huling tatlong taon nito sa puwesto at inilahad sa ikalawang pre-SONA forum na ginanap sa Cebu.
Ulat ni Vic Somintac