Procedural lapse dahilan umano ng power outage sa NAIA T3 noong Biyernes
Umabot sa mahigit kalahating oras ang itinagal ng panibagong power outage sa NAIA Terminal 3 noong Hunyo 9, Biyernes na nagdulot ng mahabang pila ng mga pasahero sa mga check-in at immigration counters.
Ang natukoy na dahilan ng aberya sa kuryente na nagsimula ng 12:52 P.M. at natapos ng 1:29 P.M. ay ang naiwang test cable o test equipment sa isinagawang scheduled electrical audit noong Biyernes sa Roadway 1 Substation at roadway 2 Substation.
Ayon kay Manila International Airport Authority OIC Bryan Co, isa itong procedural lapse at hindi bunsod ng anumang pumalya na electrical equipment.
Aniya, pitong flights na binubuo ng limang domestic at dalawang international flights ang direktang naaapektuhan ng power interruption.
Nilinaw din ng opisyal na walang naging kanselasyon ng mga flight sa Terminal 3.
Agad din aniyang gumana ang power generator sets sa terminal nang mawalan ng kuryente.
Humingi ng paumanhin ang MIAA sa insidente na nagdulot ng abala sa mga pasahero at iba pang stakeholders.
Tiniyak ni Co na gumagawa na sila ng hakbang upang maiwasan ang mga katulad na pangyayari.
Itinanggi naman ng MIAA na ang panibagong aberya ay may kaugnayan sa pagsasapribado sa paliparan.
Tuluy-tuloy din aniya ang planned improvements gaya ng pagpalit sa mga overage equipments at pagbili ng bagong power gen sets sa NAIA may privatization man o wala.
Moira Encina