Programa para sa VAT refund ng mga dayuhang turista sa Pilipinas, aprubado na ni PBBM
Simula sa 2024 ay maaari nang mag-refund ng Value Added Tax (VAT) ang mga dayuhang turista na nagtutungo sa bansa.
Ito ay matapos aprubahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang implementasyon ng VAT refund program.
Sa ilalim nito, puwedeng makatanggap ng refund ang mga dayuhang turista sa kanilang binibiling produkto sa Pilipinas.
Layon nitong makahikayat ng mas maraming turista na bumisita sa bansa.
Kaugnay nito, inaprubahan na rin ni PBBM ang paglulunsad ngayong taon ng online visa para sa mga turistang Chinese, Indian, South Korean at Japanese.
Aalisin na din ang One Health Pass para sa immigration at customs.
Ang VAT Refund Program at e-visa ay bahagi ng “Quick Wins” recommendations ng Private Sector Advisory Council (PSAC) Tourism Sector Group.
Layon ng Quick Wins proposal ng PSAC na mas mapaigting pa ang tourism industry sa bansa.
Tiniyak naman ng mga opisyal ng PSAC sa Pangulo na pinaplantsa na din ang pagkakaroon ng mobile app na tatawaging e-Travel kung saan pag-iisahin na ang mga impormasyon sa immigration, customs, health, at quarantine.
Sa susunod na buwan inaasahang magagamit na ang nasabing app.