Promosyon at edukasyon sa ‘blockchain technology’ sa bansa, isinulong
Binuksan na nitong Martes ang kauna-unahang Philippine Blockchain Week (PBW) na nilahukan ng pinakamalalaking pangalan sa blockchain technology, crypto at web3.
Sinabi ng negosyante at PBW lead convenor na si Dr. Donald Lim na layon ng aktibidad na maipakilala sa mas maraming Pilipino at sa gobyerno ang blockchain technology at kung papaano ito pakikinabangan ng bansa.
Aminado si Lim at mga organizer na maraming Pilipino ang hindi pa batid ang blockchain at ang advantages nito sa negosyo at sa pamahalaan.
Ang blockchain ay isang emerging technology na highly secure, decentralized, at maraming bentaha sa digital world.
May kakayanan ito na magsuporta ng ibat ibang aplikasyon na may kaugnayan sa maraming industriya gaya ng finance, supply chain, at manufacturing.
Dahil dito, hinimok ni Lim ang mga kumpanya at negosyo sa Pilipinas na mamuhunan sa blockchain technology.
Nanawagan din ang organizers sa gobyerno na pangunahan ang edukasyon sa publiko ukol sa blockchain para mas maging aware ang mga negosyo sa teknolohiya.
Bukas anila ang industry players na tumulong para maipabatid sa mga negosyante at maging sa mga estudyante ang ukol sa nasabing innovation.
Inihalimbawa ni Lim ang sistema o aplikasyon ng blockchain sa product tracking gaya sa mga ani ng mga magsasaka dahil sa kakayanan ng teknolohiya na mag-store at magrekord ng mga impormasyon at transaksyon.
Nilinaw pa ni PBW organizer at Malaysian businessman Rico Pang na ang blockchain ay hindi lamang ginagamit sa digital o crypto currencies.
Isa aniya sa katangian ng nasabing teknolohiya ay ang automation capabilities nito na pakikinabangan hindi lang ng mga kumpanya kundi maging ng mga ahensya ng pamahalaan para mas maging transparent at makaiwas sa kurapsyon at red tape.
Pakikinabangan din aniya ang blockchain solutions ng mga nasa sektor ng kalusugan, agham, logistics, at marami pang industriya na makakatutulong para mas maging maayos at cost -efficient ang kanilang operasyon.
Kaalinsabay ng paglulunsad ng Philippine Blockchain Week, binuo na rin ang 15-member na Philippine Blockchain Council na magsisilbing advisory board ng pamahalaan at iba pang stakeholders ukol sa teknolohiya.
Moira Encina