Prosekusyon hiniling sa Muntinlupa RTC na pagsamahin ang tatlong kaso laban kay Sen. de Lima
Pormal nang hiniling ng prosekusyon sa Muntinlupa City Regional Trial Court na pagsamahin na lamang ang tatlong kaso ng ilegal na droga laban kay Senadora Leila de Lima at sa iba pang akusado.
Batay ito sa Motion for Consolidation na inihain ni Senior Assistant State Prosecutor Peter Ong at ng apat pang piskal na lilitis sa kaso.
Ayon sa prosekusyon, sa ilalim ng revised rules of criminal procedures—maaring pagsamahin ng hukuman ang tatlong magkakahiwalay na kaso na napunta sa Branch 204, 205 at 206 ng Muntinlupa RTC dahil ang mga ito ay nakabatay sa parehong mga isyu at partido at magkaka-ugnay ang mga ebidensya na kanilang ipiprisinta.
Dahil dito, hiniling nila na ang drug cases na napunta sa Branch 205 at 206 ay isama na rin sa Branch 204 na hahawakan ni Judge Juanita Guerrero.
Layunin din nito na maiwasan ang mga dagdag na gastos at mga conflicting na resolusyon at kautusan sa pagdinig ng kaso.
Ulat ni: Moira Encina