Proseso ng pagpapalaya at deportasyon kay US Marine Joseph Scott Pemberton, inaasahang makukumpleto ng DOJ ngayong weekend
Inaasahan ng Department of Justice (DOJ) na matatapos ngayong weekend ang buong proseso ng official release at deportasyon sa Amerikanong sundalo na si Joseph Scott Pemberton.
Pero nilinaw ni Justice Secretary Menardo Guevarra na ang petsa ng aktuwal na paglabas sa bansa ni Pemberton ay depende sa flight arrangements nito dahil isa itong US military personnel.
Ayon sa kalihim, ang Bureau of Corrections (Bucor) ang maghahanda at maglalabas ng release order ng dayuhan.
Ililipat anya sa kustodiya ng Bureau of Immigration si Pemberton sa oras na ito ay makalabas ng kulungan para maipatupad ng BI ang deportation order laban dito.
Una nang inihayag ng BuCor na sinimulan na nila ang pagproseso sa paglaya ng US Marine na ginawaran ng absolute pardon ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Moira Encina