Proseso ng pagpili ng ikatlong Telco player, ipinagtanggol ng Malacañang
Sumunod sa batas sa regulasyon at dumaan sa patas at transparent na proseso ang naganap na bidding ng National Telecommunications Commission o NTC para sa ikatlong Telco player.
Ito ang depensa ng Malacñnang sa proseso ng pagpili ng NTC na sinasabi ng iba na tila naging lutong macao o tukoy na agad ang mananalong bidder bago pa man magsimula ang bidding.
Matatandaang napili bilang provisional third Telco player ang Mislatel Consortium na pag-aari ng pangunahing campaign contributor ni Pangulong Duterte na si Dennis Uy habang nadiswalipika ang iba pang bidders dahil sa kulang na requirement.
Ayon kay Presidential Spokesman Salvador Panelo nag-comply ang Mislatel sa legal at constitutional requirements kaya ito napili.
Sinabi ni Panelo tanging ang Mislatel ang nagkapagsumite ng performance bonds para matiyak na magiging maganda ang serbisyong ibibigay ng Telco.
Inihayag ni Panelo magiging maganda sa Telecoms industry kung hihigpit pa lalo ang kompetisyon dahil magbibigay daan ito sa mas reliable, efficient at hindi mahal na telecommuncations service sa bansa. Idinagdag ni Panelo may pagkakataon pa ang mga hindi napiling bidders dahil maaari pa rin naman silang umapela.
Niliwanag ni Panelo kilala naman ng publiko ang patakaran ng Pangulo na kahit kaibigan o malapit sa kanya ay hindi niya kinokonsente kapag gumawa ng hindi naaayon sa batas.
Ulat ni Vic Somintac