Protesta laban sa Tsina kaugnay sa paggamit ng flares, inihain ng DFA
Kinumpirma ng Department of Foreign Affairs (DFA) na naghain na ng protesta ang Pilipinas laban sa Tsina dahil sa paggamit ng Chinese airforce ng flares, habang nagsasagawa ng patrolya ang eroplano ng Philippine Air Force sa Bajo De Masinloc o Panatag Shoal noong Agosto 8.
Wala pang ibinigay na detalye ang DFA ukol sa panibagong diplomatic protest laban sa Beijing.
Pero una nang sinabi ni DFA Spokesperson Ma. Teresita Daza na ipinapatupad ng bansa ang de-escalatory approach sa mga tensyon sa West Philippines Sea.
Tiniyak din ni Daza na committed ang Pilipinas sa diplomasya at sa mapayapaang pamamaraan sa pagresolba sa hindi pagkakaunawaan.
Nilinaw naman ni Daza na ang napagkasunduang provisionary understanding ng Pilipinas at Tsina ay aplikable lang sa resupply missions sa Ayungin Shoal.
Moira Encina- Cruz