Protesters sa Mexico humihingi ng hustisya para sa mga biktima ng metro line crash
MEXICO CITY, Mexico (AFP) – Daan-daang protesters ang nagtipon sa Mexican capital, upang hingin ang hustisya para sa 25 kataong nasawi nang gumuho ang isang elevated metro line.
Ang mga demonstrador na nagmula sa iba’t-ibang bahagi ng Mexico City, ay nagtipon sa pinangyarihan ng aksidente kung saan nagdala ang mga ito ng mga bulaklak.
Nagkaroon din ng kaunting sigalot sa pagitan ng mga pulis at protesters, nang tangkain ng mga awtoridad na pigilang makalapit ang mga ito sa pinangyarihan ng trahedya, subalit naayos din sa huli.
Bitbit ng mga protester ang banners kung saan sinisisi nila ang mga maka-kaliwang pulitiko na nagpapatakbo sa kapitolyo mula pa noong 1997.
Ang gumuhong metro line ay nagkaroon na ng maraming problema myla nang pasinayaan ito noong 2012.
Maging si Mexico City Mayor Claudia Sheinbaum, ay inulan din ng kwestiyon kung maayos bang namamantini ang naturang metro line mula nang maupo sya sa pwesto noong 2018.
Samantala, nangako si President Andres Manuel Lopez Obrador, na magpapatawag ng malalimang imbestigasyon para malaman ang katotohanan sa likod ng trahedya, habang hinimok din ang publiko na huwag bumuo ng mga pala-palagay kung sino ang dapat sisihin.
@ agence france-presse