Provincial Bus Operations Association of the Philippines, ikinatuwa ang resulta ng Senate hearing sa Provincial bus ban
Ikinatuwa ng Provincial Bus Operations Association of the Philippines (PBOAP) ang resulta ng ginawang pagdinig kahapon sa Senado tungkol sa Provincial bus ban.
Sa panayam ng programang Serbisyo ng Agila, sinabi ni PBOAP Executive Director Alex Yague, lumabas kasi sa pagdinig na hindi ang mga Provincial buses ang sanhi ng matinding traffic sa Edsa at sa Metro Manila.
Batay din aniya sa pag-aaral ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na ipinrisinita sa pagdinig na sa 380,000 na mga sasakyang dumaraan sa Edsa araw-araw, nasa 3,000 lamang ang mga Provincial buses doon.
Napakaliit na porsyento lamang aniya ito kung ikukumpara sa karamihan ng mga sasakyang dumadaan sa Edsa.
Nangangahulugan lamang na hindi ang mga provincial buses ang sanhi ng traffic congestion sa Edsa kundi ang iba’t-ibang kadahilanan.
Isa rin dito ang hindi pagkakatugma ng mga traffic program ng MMDA sa mga ordinansa ng mga lokal na pamahalan sa mga kalyeng tumutumbok sa Edsa.
“Hindi nagkaka-synchronize kasi ang Local government unit ay maraming pagkakaiba yung traffic plan nila sa programa ng MMDA. Ang bawat local government ay mayroon ding sariling ordinansa na para lang doon sa local government unit na yun”.