PRRD: Climate Change ang dahilan ng mga mapaminsalang bagyong nanalasa sa bansa
Iginiit ni Pangulong Rodrigo Duterte na dapat seryosohin na ng mga lider ng bansa sa mundo ang epekto ng Climate Change kaya nagiging mapaminsala ang mga bagyo.
Ito ang inihayag ni Pangulong Duterte matapos personal na bisitahin ang mga biktima ng matinding pagbaha sa Cagayan Valley Region dulot ng bagyong Ulysses.
Sinabi ng Pangulo na maging sa katatapos na virtual ASEAN summit na pinangunahan ng bansang Vietnam ay ipinanawagan niya sa kanyang mga kapuwa lider na harapin ang problema sa Climate Change.
Ayon sa Pangulo ang pinsalang iniwan ng magkasunod na bagyong Rolly at Ulysses ay lubhang malaki na sumira sa buhay at kabuhayan ng mga taga Bicol Region, Calabarzon, at Cagayan Valley partikular sa mga lalawigan ng Cagayan at Isabela.
Ayaw namang maniwala ng Pangulo na nagkaroon ng pagkukulang ang mga Local Government Units o LGUS kaya marami ang natrap sa kanilang mga tahanan ng dumating ang tubig baha.
Ayaw ding sisihin ng Pangulo ang mga nangangasiwa ng Dam na responsable sa pagpapakawala ng tubig na nagdulot ng pagbaha sa Cagayan at Isabela dahil kung hindi naman babawasan ang naipong tubig sa Dam ay mas malaking pinsala ang idudulot nito.
Kumbinsido ang Pangulo na sapat ang ginawang paghahanda ng mga LGUS subalit talagang hindi makontrol ang pinsalang idinulot ng nagdaang bagyo dahil ito ay gawa ng kalikasan.
Nangako naman si Pangulong Duterte na gagawin lahat ng pamahalaan ang makakaya para matulungan sa pagbangon ang mga lugar na pininsala ng mgakasunod na bagyong Rolly at Ulysses.
Vic Somintac