PRRD, inatasan ang Medical Corps ng AFP at PNP na punan ang kakulangan ng mga medical personnel sa mga ospital sa NCR
Inatasan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pamunuan ng Armed Forces of the Philippines at Philippine National Police na ihanda ang kanilang Medical Corps para punan ang kakulangan ng mga medical personnel sa ilang malalaking hospital sa National Capital Region.
Sinabi ng Pangulo sa kanyang regular weekly Talk to the People na iniulat ng National Task Force o NTF against COVID-19 na ilang major hospital sa Metro Manila ang isinara na ang kanilang COVID-19 ward dahil sa kakulangan ng mga medical personnel.
Ayon sa Pangulo batay sa report na kanyang tinanggap tinamaan ng COVID-19 ang maraming medical personnel sa mga malalaking hospital sa NCR kaya hindi na sila tumatanggap ng mga pasyenteng may COVID -19.
Inihayag ng Pangulo ang St. Lukes Medical Center ay mayroong 168 na medical personnel ang naka-quarantine dahil positibo ang mga ito sa COVID 19, Cardinal Santos Medical Center 60 ang medical personnel na positibo sa COVID-19, UERM 55, Medical City 84 at Philippine Heart Center-33.
Niliwanag ng Pangulo na gagawa ng paraan ang pamahalaan para punan ang kakulangan ng mga medical personnel sa ibat-ibang hospital habang hinaharap ang laban sa Pandemya ng COVID-19 sa bansa.
Vic Somintac