PRRD, mangunguna sa National Assembly ng PDP-Laban sa Sabado

Si Pangulong Rodrigo Duterte mismo ang mangunguna sa National Assembly na ipinatawag ng isang paksyon ng PDP-Laban sa Clark, Pampanga sa Sabado.

Ito ang kinumpirma ni PDP-Laban Acting Secretary-General Melvin Matibag batay sa kanilang pakikipagpulong sa Malacañang.

Bilang chairman ng partido, ang Pangulo lang kasi aniya ang may karapatang magpatawag ng National Assembly batay sa itinatakda ng kanilang Constitution at Bylaws.

Sa kabila aniya ito ng ipinagmamalaking suporta ng kampo ni Senador Manny Pacquaio at pagsasabing iligal ang kanilang gagawing pagtitipon.

Sinabi ni Matibag na overwhelming ang suporta ng mga miyembro sa ipinatawag na Assembly.

Katunayan, kinumpirma nitong dadalo ang mayorya ng mga lider at miyembro ng partido.

Kasama na rito ang may 159 na lider ng National Council at lahat ng mga Secretary General ng Partido sa bawat probinsya.

Kasama sa agenda ang eleksyon ng mga bagong lider ng partido kasama na umano ang pagpapatalsik kay Senador Pacquiao bilang Pangulo ng PDP-Laban matapos akusahan ang kanilang chairman ng corruption sa ilalim ng kaniyang administrasyon.

Pero giit ni Senador Koko Pimentel, walang karapatan ang grupo nina Matibag na patawan ng parusa si Pacquaio.

Lahat aniya ng miyembro, may karapatan na maghayag ng saloobin batay sa demokrasya at freedom of speech.

Ginagawa lang umano ito dahil sa kanilang pansariling interes na magtulak ng pambato sa eleksyon na hindi umano miyembro ng partido.

Pero giit ni Matibag, wala pang napagkakasunduang kandidato ang partido maliban kay Pangulong Duterte na itinutulak nilang maging pambato sa Vice-Presidential race.

Pinasaringan naman ni Matibag si Pimentel sa pahayag nitong dugo’t-pawis niya ang puhunan sa partido.

Si Pimentel ang nagsulat ng Bylaws ng PDP-Laban na itinatag naman ng kaniyang ama na si dating Aquilino Pimentel.

Meanne Corvera

Please follow and like us: