PRRD: Pagpapabakuna laban sa Covid-19, bahagi ng civic duty ng bawat mamamayan
Patuloy na nananawagan si Pangulong Rodrigo Duterte sa bawat Filipino na magpabakuna laban sa COVID-19.
Sa kanyang regular weekly Talk to the People, sinabi ng Pangulo na ang pagpapabakuna laban sa COVID-19 ay hindi lamang para sa personal na proteksiyon kundi ito ay isang civic duty ng bawat mamamayan para hindi na kumalat pa ang Pandemya ng Coronavirus at makabalik na sa normal ang buhay at pamumuhay sa bansa.
Ayon sa Pangulo, patuloy na bumababa ang hawaan ng COVID-19 sa bansa dahil sa patuloy na rollout ng mass vaccination program at ang mahigpit na pagpapatupad ng minimum health standard kasama ang alert level system with granular lockdown na sinubukan sa National Capital Region.
Inihayag ng Pangulo na dahil sa patuloy na pagdating ng supply ng anti COVID 19 vaccine uumpisahan na rin na bakunahan ang mga menor de edad at general population kaya inaasahan na bago matapos ang taong kasalukuyan ay mababakunahan na ang 50 percent ng populasyon sa bansa.
Vic Somintac