PRRD, patuloy na nakasubaybay sa mga lugar na sinalanta ng bagyong Ulysses
Tiniyak ng Malakanyang na on top of the situation si Pangulong Rodrigo Duterte kaugnay sa nagpapatuloy na rescue, search and retrieval operations sa Region II partikular sa mga lalawigan ng Cagayan at Isabela dulot ng matinding pagbaha.
Sinabi ni Presidential Spokesman Secretary Harry Roque kahit patuloy ang pakikibahagi ng Pangulo sa ika-37 ASEAN Summit na isinasagawa sa pamamagitan ng video conferencing ay isinisingit ng Pangulo ang pagharap sa problema sa Cagayan at Isabela.
Inihayag ni Roque na patuloy ang koordinasyon ni Pangulong Duterte kay Defense Secretary Delfin Lorenzana at kay National Disaster Risk Reduction and Management Council o NDRRMC Executive Director Ricardo Jalad para sa mga pinakahuling ulat kaugnay ng kaganapan sa Cagayan at Isabela.
Idinagdag ni Roque tuluy – tuloy rin ang pakikipag-ugnayan ng Pangulo sa Department of Health o DOH at Department of Social Welfare and Development o DSWD para sa pagbibigay ayuda at suporta ng pamahalaan sa mga residente sa Cagayan at Isabela.
Kaugnay nito, bumuo ng Task Force si Pangulong Duterte para sa mabilis ang pagbibigay tulong ng pamahalaan sa mga biktima ng kalamidad sa Region 2.
Sa kanyang emergency Address to the Nation tiniyak ng Pangulo ang tulong ng pamahalaan at gagawin ang lahat para masagip ang mga stranded sa kanilang bubong ng tahanan dala ng matinding pagbaha sa Cagayan at Isabela.
Vic Somintac