PRRD, pinangunahan ang inagurasyon ng MRT 3
Pinangunahan ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang inagurasyon ng pagtatapos at matagumpay na rehabilitasyon ng MRT-3 ngayong araw, ika-22 ng Marso, 2022, sa Shaw Boulevard station, Mandaluyong City.
Sa kanyang talumpati, sinabi ni Pangulong Duterte na ang rehabilitasyon ng MRT-3 ay isa sa mga kritikal na proyekto sa ilalim ng “Build Build Build” program ng gobyerno na layong maibsan ang kakulangan sa pampublikong mga imprastuktura sa bansa.
Inanunsyo rin ni Pangulong Duterte ang handog na libreng sakay para sa mga pasahero ng MRT-3 sa loob ng isang buwan, mula ika-28 ng Marso hanggang ika-30 ng Abril, 2022.
Nagbalik-tanaw naman si Department of Transportation Secretary Art Tugade sa masalimuot na pinagdaanan ng MRT-3 bago ang transpormasyon nito sa isa sa pinakamaaasahang pampublikong transportasyon sa kasalukuyan.
Sa pagbabalik ng orihinal na maintenance provider ng MRT-3 na Sumitomo-MHI-TESP, nagawang muling mapanumbalik sa maayos na kalidad ang transportasyon.
Samantala, sinabi ni Japanese Ambassador His Excellency Kazuhiko Koshikawa na mananatiling mainit ang suporta ng Japan sa Pilipinas.
Nagsalita rin sa pre-program activity ng seremonya sina Mitsubishi Heavy Industries Engineering President and CEO Kenji Kerasawa, Sumitomo Corporation of the Philippines President Seiji Takano, at Japan International Cooperation Agency (JICA) Chief Representative for the Philippines Takema Sakamoto, na pawang inanunsyo ang pagpapatuloy ng maayos na pagmimintina ng MRT-3 upang mapanatili ang magandang estado nito.
Ang rehabilitation completion ceremony ay dinaluhan din nina Senator Bong Go, Mandaluyong City Mayor Menchie Abalos, at iba pang mga opisyal sa lokal at nasyonal na gobyerno.
Meanne Corvera