PRRD, pupulungin ang IATF kaugnay ng local transmission ng Delta variant ng Covid-19
Pupulungin ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Inter-Agency Task Force (IATF) kaugnay ng local transmission ng Delta variant ng COVID 19 sa bansa.
Sinabi ng Pangulo na kukonsultahin niya ang mga health expert kung kailangang magpatupad ng close border policy para sa lahat ng pumapasok sa Pilipinas para makontrol ang pagkalat ng Delta variant ng COVID 19.
Sa kasalukuyan ay hindi pinapayagan na makapasok ng bansa ang mga dayuhan maliban sa mga Returning Overseas Filipino (ROF) at Overseas Filipino Workers (OFW).
Ayon sa Pangulo, nag-aalala siya kung matutulad ang bansa sa nangyayari sa Indonesia, Malaysia, Thailand at Australia na lumalala ang kaso ng Delta variant ng COVID 19.
Batay sa report inayunan ng Department of Health (DOH) ang opinyon ng mga health expert na posibleng mayroon ng local transmission ng Delta variant ng COVID 19 sa bansa dahil dumarami ang naitatalang local cases.
Nauna ng inihayag ng Pangulo na walang ibang magiging opsiyon ang gobyerno kung tuluyang lalala ang kaso ng Delta variant ng COVID-19 sa bansa kundi ibalik ang mas mahigpit ng community quarantine protocol.
Vic Somintac