PRRD, puputulin ang transaksyon sa PRC kapag tumanggi si Senador Gordon na ipa-audit ang pondong ibinigay ng gobyerno sa PRC


Nagbanta si Pangulong Rodrigo Duterte na mapipilitan siyang putulin ang anumang pakikipag transaksyon sa Philippine Red Cross (PRC) kapag tumanggi si PRC Chairman Senador Richard Gordon na mabusisi ng Commission on Audit o COA ang PRC.

Sinabi ni Pangulong Duterte sa kanyang pre-recorded Talk to the People na talagang magkakasubukan sila ni Gordon kahit humantong ito sa isang krisis.

Ginawa ng Pangulo ang pahayag dahil sa patuloy na paggiit ni Gordon na hindi pwedeng silipin ng COA ang kanilang financial status dahil ang PRC ay isang non government organization.

Ayon sa Pangulo tumatanggap ang PRC ng pondo mula sa gobyerno.

Inihayag ng Pangulo na susulat siya kay COA Chairman Michael Aguinaldo para mabuksan ang financial records ng PRC kaugnay ng pondong galing sa pamahalaan.

Hinahanap din ng Pangulo ang taunang report ng PRC sa Office of the President hinggil sa operasyon nito subalit hanggang ngayon ay wala ni isang report siyang natatanggap mula kay Gordon.

Aminado ang Pangulo na magiging mahabang legal na proseso ito subalit handa siyang ipursige ang laban at igigiit ang accountability ni Gordon para i-account ang lahat ng perang ibinigay ng gobyerno sa PRC sa matagal nang panahon.

Patuloy na nagpapalitan ng akusasyon ang Pangulo at Gordon kaugnay sa isyu ng korapsyon.

Vic Somintac

Please follow and like us: