PRRD: Sinopharm Covid-19 vaccine, hindi na gagamitin sa Pilipinas
Matapos gamitin kay Pangulong Rodrigo Duterte at umani ng pagbatikos mula sa mga Health experts, hindi na gagamitin ang anti COVID 19 vaccine na Sinopharm.
Sinabi ni Pangulong Duterte sa kanyang Talk the People na ang natira sa 1,000 doses ng Sinopharm na donasyon ng China ay pinasasauli na niya.
Ayon sa Pangulo maituturing na legal ang paggamit niya ng Sinopharm dahil binigyan ito ng compassionate permit ng Food and Drug Administration (FDA).
Inihayag ng Pangulo kung kinukuwestiyon ng mga Health experts ang bisa ng Sinopharm dahil hindi pa ito dumaan sa pagsusuri ng FDA sapagkat ang manufacturer nito ay hindi nag-aaply ng Emergency Use Authorization o EUA sa Pilipinas hindi na ito gagamitin para matapos na ang usapin.
Inamin ng Pangulo na hiniling niya na Sinopharm ang ibakuna sa kanya dahil ito ang ginamit sa mga Chinese officials.
Magugunitang Sinopharm ang ginamit na bakuna ng Presidential Security Group noon pang nakaraang taon at naging kontrobersiyal dahil ipinuslit lamang ang suplay nito sa bansa at walang pahintulot na mula sa FDA.
Vic Somintac