PRRD,neutral ang posisyon sa pagpapaliban ng BARMM election – Senador Zubiri
Wala pang nabuong kasunduan para sa panukalang maipagpaliban ang kauna unahang eleksyon sa bangsamoro autonomous region of Muslim mindanao.
Ito ang kinumpirma ni Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri matapos ang isinagawang pulong sa pagitan ng mga lider ng kamara at senado na dinaluhan rin ni Pangulong Rodrigo Duterte at mga regional officials ng BARMM sa malacanang.
Neutral aniya ang posisyon ng pangulo sa usapin at inilatag rin nito ang mga maaring maging positibo at negatibong epekto ng maaring papapaliban sa eleksyon.
Sa halip ay inatasan aniya ng pangulo ang mga lider ng BARMM na resolbahin ang isyu bago ito muling talakayin ng mga lider ng kongreso.
Ayon kay Zubiri, iginiit ng mga opisyal ng BARMM na halos wala pa silang nagawa sa pwesto dahil sa late na appointment sa pwesto habang sumabay pa ang problema sa pandemya.
Habang ang mga opisyal ng Lanao sur, Basilan at Tawi tawi ay sinusuportahan naman ang pagpapaliban ng halalan.
Iginiit naman aniya ni Senator Francis Tolentino sa naturang pulong na wala pang naipapasang batas o electoral code para klaruhin ang posisyon at mga bagong distrito sa sakop ng BARMM sa ilalim ng parliamentary set up ng organic law.
Naghihintay na lang ng final approval sa Senado ang panukalang maipagpaliban muna ang eleksyon sa BARMM sa May 2022 habang hindi pa natatapos ang transition period at nakapending naman ang bersyon nito sa kamara.
Nangangamba ang mga Senador dahil sa Oktubre ngayong taon, kinakailangan nang maghain ng kanilang certificate of candidacy ang mga tatakbo sa May 2022 national elections.
Meanne Corvera