PSA, nagpaalala sa publiko na sumunod sa mga health protocol sa pagkuha ng PhilSys ID
Pinaalalahanan ng Philippine Statistics Authority (PSA) ang publiko na manatiling sumusunod sa minimum health protocol kung mag-aaplay ng Philippine Identification System o national ID.
Bilang pag-iingat, sinabi ng PSA na ang Step 1 demographics registration ay maaaring makumpleto online sa pamamagitan ng https://www.philsys.gov.ph/ at pagkatapos nito ay bibigyan ang aplikante ng appointment reference number (ARN) na ipadadala sa pamamagitan ng text message.
Para sa Step 2 registration kung saan kailangan nang magtungo sa mga registration center, kailangang panatilihin ang pagsunod sa health protocol gaya ng pagsusuot ng face mask at shield at pagdadala ng sariling alcohol o anumang disinfectant.
Requirement din ang pagdadala ng sariling ballpen o panulat dahil inabisuhan rin ang mga registration staff na iwasang magpahiram ng ballpen upang mapigilan ang posibleng hawaan ng virus.
Pinapayuhan din ang publiko na magtungo lamang sa itinakdang oras para sa kaniyang registration at huwag maging maaga upang maiwasan ang kumpulan o siksikan ng mga tao at upang hindi na tumagal pa ang iba sa paghihintay.
Kailangan lamang dalhin ang appointment slip o ARN at orihinal na kopya ng mga supporting document at mga valid IDs.
Ipinagbabawal din ang walk-in applicants bilang bahagi ng pag-ingat.
Samantala, pansamantalang suspendido ang operasyon ng PhilSys registration centers sa mga lugar na nasa ilalim ng Enhanced Community Quarantine (ECQ) gaya sa National Capital Region hanggang August 20 at Bataan na hanggang August 22.
Nauna nang nagpalabas ng pahayag ang PSA na hihinikayat ang mga ahensya ng gobyerno at pribadong institusyon na tanggapin ang Philippine ID bilang valid proof of identity para sa mga pampubliko at pampribadong transaksyon.
Ito ay alinsunod sa Republic Act No. 11055 o Philippine Identification System Act.
Naglabas din ng kaparehong advisory ang Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP), Department of the Interior and Local Government (DILG), PHLPost at Department of Foreign Affairs (DFA) bilang suporta sa PSA.
Nakasaad sa Section 12 ng PhilSys Act , na ang PhilID o PhilSys ID ay dapat tanggapin at ituring bilang isang government-issued ID at valid proof of identity kung makikipag-transaksyon sa mga ahensya ng gobyerno, local government units, government-owned and controlled corporations, government financial institutions, State Universities and Colleges, at private entities.
Ang Republic Act 11055, o PhilSys Act na nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte noong August 2018 ay pinagtibay bilang National ID para sa lahat ng Filipino at resident aliens.
Ito ang isa sa paraan para iisang ID na lamang ang kailangang iprisinta o gamitin sa mga public at private institution transactions maging sa enrollment sa mga eskuwelahan at pagbubukas ng bank accounts.