Public Attorney’s Office, ibinalik ang operasyon ng kanilang Forensic Laboratory
Inanunsyo ni Public Attorney’s Office (PAO) Chief Persida Acosta ang panunumbalik ng operasyon ng forensic laboratory ng PAO.
Sinabi ni Acosta na nagpasya silang ibalik ang forensic activities ng PAO matapos lagdaan ni Pangulong Duterte ang RA 11464 na nagpapalawig sa availability ng ilang bahagi ng 2019 National Budget hanggang sa December 31, 2020.
Ibig sabihin anya ay magagamit pa ng PAO ang nalalabi nitong budget partikular sa Maintenance and Other Operating Expenditures (MOOE) para sa 2019 hanggang sa 2020.
Ayon kay Acosta, mayroon pa silang pondo sa maintenance and other operating expenditures sa ilalim ng 2019 budget na pwedeng pagkunan ng budget para sa PAO forensic activities.
Una nang itinigil ng pao ang pagsasagawa ng forensic examinations habang hinihintay na i-veto ng Pangulo ang tinapyas nilang budget ng Senado at Kamara para sa susunod na taon.
Ulat ni Moira Encina