Public Attorney’s Office, naghahanda na ng kasong isasampa laban kay Atty. Wilfredo Garrido dahil sa paninira sa kanilang institusyon
Malinaw na paninira o “Fictitious hoax” ang reklamong isinampa ni Atty. Wilfredo Garrido sa Ombudsman laban kina Public Attorney’s Office (PAO) Chief Atty. Persida Acosta at PAO Forensic Chief Dr. Erwin Erfe dahil sa umano’y nagagamit ang isyu ng Dengvaxia para sa katiwalian.
Sa panayam ng programang Isyu ng Sambayanan ng Radyo Agila, sinabi ni Atty. Acosta na sinagot na ng mga PAO lawyers ang reklamong isinampa ni Atty. Garrido na nagpapatunay lamang na ito ay pawang mga fake documents .
Giit ni Acosta, walang karapatan si Garrido na gawing complainant sa kaso ang kanilang institusyon dahil imbento lamang ang mga akusasyon nito at bahagi ng demolition job.
Karapatan din aniya ng PAO na kumuha ng sarili nilang forensic doctor at ito ay aprubado ng Department of Budget and Management sa ilalim pa ni dating Secretary Emilia Boncodin.
Kaduda-duda rin aniya ang pagkatao ni Garrido dahil ito ang nagdemanda ng makailang beses kay Atty. Larry Gadon na kilala namang nagsampa ng impeachment case laban kay dating supreme court Chief Justice Maria Lourdes Sereno.
Kaya malinaw aniya kung ano ang koneksyon at motibo ni Garrido.
“Ang punto ho ay iba ang sabit ka sa kaso at inosente ka. Eh mga inosenteng tao yan eh nandadamay pa silang ng mga inosenteng empleyado ng PAO. Political motivation po yan at demolition job yan at use of falsified documents. Fictitous ang ginamit nyan eh may inisyal pa sa ibabaw ng PAO. Pwede bang pumirma ang iba para sa PAO? Di pupuwede yun, magpakilala siya kung meron pero wala eh. . Pangalanan nya wag siyang manira, libelous po yan”.
Dahil dito, sinabi ni Acosta na pinag-aaralan na ng kanilang special public attorney ang kasong isasampa laban kay Garrido na paninira sa isang institusyong nagtatanggol sa karapatan ng mga mamamayan at pagwasak sa responsableng pamamahayag.
“Sinisira ang responsible broadcasting, sinisira ang ating media sector na dapat ay maging tanggulan ng katotohanan at hindi tanggulan ng paninira. Ano bang gusto nila sa ‘kin hindi naman ako Presidentiable, hindi naman ako Senatoriable para gawan nila ng black propaganda. Pero syempre ano bang dahilan kung bakit gusto nila ako pa-resign? Pra mawala ako s apanel ng mga lawyers na tumutulong sa Dengvaxia. So gusto nilang sirain ang kaso ng mga biktima”.