Public Service Act of 2022 pinadedeklarang unconstitutional sa Korte Suprema ng United Filipino Consumers and Commuters
Kinuwestiyon na sa Korte Suprema ng grupong United Filipino Consumers and Commuters o UFCC ang Constitutionality ng Republic Act 11659 o the Public Service Act of 2022.
Sinabi ni UFCC President Rodolfo Javellana Jr. na ang Republic Act 11659 ay pinirmahan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte noong March 21, 2022.
Ayon kay Javellana ang Republic Act 11659 ay binago nito ang klasipikasyon ng mga public utilities na nakasaad sa 1987 constitution na dapat tingnan ng Korte Suprema.
Inihayag ni Javellana inalis na ng bagong batas ang railroads, railways, sub-ways, seaports, airports, wire or wireless telecommunications services bilang public utilities at magiging bukas na ito sa mga dayuhan para maging pag-aari na magsasapanganib sa pambansang seguridad.
Niliwanag naman ni Atty. Larry Gadon isa sa mga legal adviser ng UFCC na tahasang paglabag sa Article 12 Section 11 ng 1987 Constitution ang Republic Act 11659 na ang mga public utilities ay dapat pag-aari ng fFilipino ang hindi bababa sa 60 percent at hindi tataas sa 40 percent ang pag-aari ng dayuhan.
Iginiit ni Gadon dahil inalis na ng Republic Act 11659 sa kategorya ng public utilities partikular ang seaports, airports at telecommunications services ay maaari na itong i-operate ng dayuhan ng 100 percent na talagang malalagay sa panganib ang pambansang seguridad ng Pilipinas.
Dahil sa petisyon ng UFCC sa Korte Suprema tatayong respondents sina Executive Secretary Lucas Bersamin,Senate President Juan Miguel Zubiri at House Speaker Martin Romualdez.
Vic Somintac