Publiko binalaan laban sa FB/Messenger account na nagpapanggap na PH Embassy sa Oman
Nagbabala sa publiko ang Philippine Embassy sa Oman sa kumakakalat na scam mula sa pekeng Facebook o Messenger account na nagkukunwari na embahada.
Sa abiso ng Philippine Embassy sa Oman, sinabi na hindi sila gumagamit ng Messenger para magpakalat ng impormasyon.
Ayon sa embahada, tanging sa official website at Facebook page lang sila nagpu-post ng updates.
Pinayuhan ng embahada ang publiko na huwag pansinin ang mga mensahe sa pekeng account at huwag magbigay ng anumang personal na impormasyon.
Sa nasabing scam, may matatanggap na mensahe ang FB user mula sa nagpapakilalang Philippine Embassy sa Oman na nagpapasalamat at nagsasabing may reward na salapi ang user.
Kasama sa mensahe ang link na pinapa-click sa FB user para raw maiproseso at ma-claim ang prize nila mula sa embahada.
Hinimok din ng embassy na agad na iulat sa kanila kapag sila ay nakatanggap ng mensahe mula sa fraudulent account.
Moira Encina