Publiko hindi dapat maalarma sa pagpalo sa higit 1 milyong kaso ng COVID -19 sa bansa – Malakanyang
Sa kabila nang naitalang mahigit 1 milyong kabuuang kaso ng COVID 19 sa bansa buhat ng magsimula ang pandemya isang taon na ang nakararaan maituturing na manageable parin ang sitwasyon.
Sinabi ni Presidential Spokesman Secretary Harry Roque na hindi ito dapat tingnan sa negatibong pananaw.
Ayon kay Roque, dapat mag focus ang publiko sa dami ng mga nakakarekober at mababang fatality rate.
Inihayag ni Roque sa 1,006,428 na total COVID 19 cases sa bansa 914,952 na ang nakarekober habang nasa 16,853 ang mga nasawi.
Binigyang diin ni Roque na bumaba din ang Pilipinas sa COVID-19 cases mula sa pang 20 puwesto ngayon ay nasa pang 26 na puwesto batay sa global ranking index rate.
Niliwanag ni Roque, talaga namang dumami ang kaso ng COVID -19 sa bansa magmula noong makapasok ang mga bagong variants na pinaniniwalaang mas mabilis na nakakahawa.
Iginiit ni Roque sa ngayon pinaiigting ng pamahalaan ang PDITR strategy o Prevention, Detection, Isolation, Treatment, and Reintegration kasabay nang mabilis na pamamahagi ng bakuna upang tuluyang mapababa ang kaso ng COVID 19 sa bansa.
Vic Somintac